“Importante sa amin na maging CSO-accredited. Naa-access namin ang iba’t ibang tulong at services ng DA, nagkakaroon ng mas malawak na network, at higit sa lahat ay mas marami kaming natutulungang farmers.”
Ito ang pagbabahagi ni Jose G. Parlade, General Manager ng Luntian Multi-Purpose Cooperative (MPC), tungkol sa kahalagahan ng pagiging accredited member ng Civil Society Organization (CSO) ng Farmers’ Cooperatives ad Associations (FCAs).
Ang CSO ay binubuo ng mga grupo, asosasyon, at pribadong korporasyon na katuwang ng Department of Agriculture (DA) sa pagpapatupad ng mga proyekto at programang pang-agrikultura.
Ang FCAs na CSO-accredited ay pinagkakalooban ng financial grant o tulong-pinansyal, gaya ng Enhanced KADIWA (E-KADIWA) Financial Grant Assistance, upang gamitin sa mga proyektong magpapabuti sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Bukod sa Luntian MPC na nakatanggap ng P2-M financial grant sa ilalim ng Enhanced KADIWA, pinagkalooban ng P800,000 ang Salaban II Women’s MPC, P250,000 sa Lupang Arenda MPC, P2.5-M sa Sentrong Pamilihan ng Produktong Agrikultura sa Quezon Foundation, Inc. (SPPAQFI), P1.2-M sa Gen. Trias Dairy Raisers’ MPC, P1.5 sa Café Amadeo Development Cooperative, at P1-M sa Samahan ng Maggagatas ng Batangas Cooperative.
Ginamit ang mga financial grant sa pagtatayo ng KADIWA Outlet kung saan dinadala at ibinibenta ang mga produkto ng mga magsasaka, miyembro man ng mga nabanggit na FCAs o hindi.
“Malaking tulong po ang KADIWA outlet, hindi lang sa kooperatiba at mga magsasaka, kundi maging sa buong komunidad. Sisikapin po naming lalo pang sipagan para makadagdag sa employment at job generation,” pagbabahagi ni Genelyn G. Bihasa, Bise Presidente ng Salaban II Women’s MPC.
“Sana po ‘yong ibinibigay na financial assistance ay maging instrumento na ang mga programa ay maging well-implemented,” ani naman DA-4A OIC-Regional Technical Director for Operations and Extension Engr. Abelardo R. Bragas.
Plano rin ng DA-4A, sa pakikipagtulungan ng FCAs, na bumili ng mga sasakyan gamit ang financial grant gaya ng Luntian MPC, Samahan ng Maggagatas ng Batangas Cooperative, SPPAQFI, Gen. Trias Dairy Raisers’ MPC, na magkaroon ng KADIWA on Wheels. Sa proyektong ito ay dadalhin ang mga produkto sa iba’t ibang panig ng rehiyon at sa Metro Manila.
“Kami po ay nagpapasalamat sa inyo. Sa pamamagitan ninyo ay lalo pa naming mapapatupad nang maayos ang mga proyektong tumutulong sa ating mga magsasaka. Tuluy-tuloy po tayong magtulungan dahil tayo po ang inaasahan na magbaba ng pagkain sa Metro Manila lalo na sa panahon ng pandemya at kalamidad,” ani DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)