Nagkaisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), Provincial Local Government Unit (PLGU) ng Quezon, Department of Environment and Natural Resources (DENR) Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO)-Quezon, at Office of Congressman David C. Suarez at Congresswoman Anna V. Suarez ng ALONA Partylist sa proyektong Project Urban TANIM (Tayo ang Kalikasan, Masaganang ANI para Mamamayan).
Ang proyektong ito ay alinsunod sa House Bill No. 8385 na naglalayong mapaunlad ang urban agriculture upang masigurong may kasapatan sa pagkain ang mga lugar na may maliit o walang lupang sakahan gaya ng lungsod lalo na sa panahon ng pandemya.
Ang Project Urban TANIM ay isang kompetisyon kung saan 29 na homeowners mula sa Dangal at Sigla ng Sambahayan ng Lucena Homeowners’ Association (DASSAL) at 55 homeowners mula sa Federation of Lucena City Homeowners’ Association, Inc. (FLCHAI) ang maglalaban-laban sa community (na may sub-category na open-space) at individual (na may sub-category na window, backyard and frontyard, at pocket) gardening.
Nakatanggap ang homeowners’ associations ng mga assorted vegetable seeds, pestisidyo, seedling trays, at soft black plastic pots na nagkakahalaga ng P849,830 mula sa DA-4A High Value Crops Development Program (HVCDP), assorted forest trees na nagkakahalaga ng P21,000 mula sa DENR PENRO-Quezon, at assorted vegetable seeds and herbs na nagkakahalaga ng P377,393 mula sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Quezon noong ika-17 hanggang ika-18 ng Agosto.
Ang mga nasabing interbensyon ay gagamitin ng mga kalahok sa kanilang bubuoing urban garden na magsisimula ngayong linggo at matatapos naman sa Oktubre kung kailan pararangalan ang mga mananalo.
“Sumali kami hindi lang dahil sa premyo kundi nakikita naming maganda at mapapakinabangan ang urban garden sa aming lugar. ‘Yong gulay na makukuha namin dito, masisiguro naming safe dahil kami-kami ang nagtanim. Isa pa, magiging daan din ito para magkaisa at magkatulungan kaming homeowners,” ani Rosemarie V. Marquez, pangulo ng DASSAL. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)
[Mga Larawan mula kay G. Robert Atregenio, Jr., Agricultural Extension Worker ng Provincial Government ng Quezon]