DA-4A F2C2, sinanay ang 21 cluster ng mga magsasaka sa pagnenegosyo
Sinanay ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program ang 21 cluster ng mga magsasaka ukol sa entrepreneurial mind-setting simula noong ika-22 hanggang ika-23 ng Hulyo sa Los Baños, Laguna.
Ito ay upang ihanda ang mga cluster sa pagkakaroon ng bisyon sa pagnenegosyo sa tulong ng
pag-alam sa mga katangian ng pagiging negosyante at pagbuo ng mga ideya sa negosyo na
nakasentro sa kanilang pag-unlad.
Binuo ang aktibidad ng 44 na mga kalahok na representante ng dalawang cluster mula sa High
Value Crops Development Program, tatlo mula sa Livestock Program, pito mula sa Corn
Program, at siyam mula sa Rice Program.
Ilan sa mga tinalakay ay ang pagpapalisensya ng negosyo, angkop na pakikipag-ugnayan sa mga
kustomer, at paggagawa ng business model canvas. Nagbigay inspirasyon din sa isang
pananalita si General Manager Joel Atendido mula sa isa sa mga modelong cluster sa rehiyon,
ang Llano Farmers Multi-Purpose Cooperative.
Ayon kay Manager Atendido, sa pamamagitan ng F2C2 ay naabot ng kanilang cluster ang iba
pang naghahayupan kung saan sila ay natulungan na lumago ang negosyo. Kaya naman
pinayuhan din niya ang mga kalahok na ipagpatuloy ang pagdalo sa mga pagsasanay para
makinig at matuto. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)