Nasa dalawampung (20) Muslim community leaders sa probinsya ng Cavite ang dumalo sa inihandang oryentasyon ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZONA (DA-4A) ukol sa Halal Food Industry Development Program.
Ang nasabing programa ay naglalayong palakasin ang produksyon at merkado ng Halal agri-fishery products sa bansa.
Sa CALABARZON, sa pamamagitan ng DA-4A Halal Program, patuloy na nagsasagawa ng mga oryentasyon sa mga stakeholder upang mas mapalawig ang kamalayan ukol sa malaking potensyal ng industriya ng Halal.
Binigyang diin ni Undersecretary for Regulations and Infrastructure at Chairperson of Executive Committee on Halal Food Industry Development Program Engr. Zamzamin L. Ampatuan na kinakailangan na dumami ang mga local halal producer sa bansa bago tuluyang makapag-export. Anya mahalaga rin na may magandang pagtingin, hindi lang ang mga Muslim, kundi mas maraming Pilipino sa magandang dulot ng Halal agri-fishery products.
“Tayo po ay mag-invest sa Halal,” ani Usec. Ampatuan sa mga Muslim community leader participant.
Sa kaniyang mensahe, pinahalagahan ni OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan ang Halal Program dahil sa kritikal na pagganap nito upang tuluyang mapaunlad ang Halal agri-fishery industry sa rehiyon.
“Kami po sa DA-4A ay bukas sa pakikipagtulungan upang mas mapag-aralan nating mabuti kung ano pa ang mga interbensyon at oportunidad na pwede nating magamit upang makatulong po sa inyo,” ani Director Dimaculangan.
Ilan sa mga tinalakay sa oryentasyon ay ang mga DA program and service, CALABARZON agribusiness investment profile and opportunities, workshop on ensuring integrity of Halal food, at ang posibleng pag-oorganisa ng mga nagsidalong Muslim para sa pagtataguyod ng Halal sa Cavite.
Ayon kay G. Antonio I. Zara, Focal Person ng DA-4A Halal Program, sa susunod na oryentasyon ay iimbitahan naman ang mga Muslim community leader ng Batangas.
Dumalo rin sa oryentasyon sina National Halal Program Head Atty. Jamil Adrian Khalil L. Matalam, OIC-Assistant Regional Director for Research and Regulations Engr. Marcos C. Aves, Sr., OIC-Field Operations Division Chief Redelliza A. Gruezo, OIC-Research Division Chief Eda F. Dimapilis, Agricultural Program Coordinating Officer for Cavite G. Felix Joselito H. Noceda at iba pang DA-4A staff. #### (Radel F. Llagas, DA-4A RAFIS)