Nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng Civil Society Organization (CSO) Accreditation Orientation para sa mga farmer’s cooperatives and associations (FCAs) sa rehiyon bilang paghahanda sa implementasyon ng Community-based Swine Production through Clustering and Consolidation Project. Naglalayon itong mapalaki at mapaunlad ang swine production sa pamamagitan ng pamamahagi ng puhunan na pampagawa ng imprastraktura at pambili ng panimulang feeds at hayop. Upang maging kwalipikadong benepisyaryo, kailangang maging CSO-accredited ang samahan na interesadong sumali.
Ang oryentasyong ito ay pinangunahan ng DA-4A Livestock Program at nagsilbi namang tagapagsalita nito si Ms. Amor dela Cruz, CSO Accreditation Coordinator, ng rehiyon. Pinag-usapan dito kung ano ang mga magiging tulong ng CSO accreditation sa mga samahan, proseso ng application, at mga requirements upang mag-apply.
Hinikayat ni Dr. Jerome G. Cuasay, regional coordinator ng Livestock Program, ang mga samahan na magpa-accredit upang mabilis na maipaabot sa kanila ang mga tulong na hatid ng Community-based Swine Production through Clustering and Consolidation Project at maging kwalipikado rin sila sa iba pang programa ng Kagawaran. Pinaalalahanan din niya ang mga ito na maagang makipag-coordinate sa DA-4A na tutulong sa kanila sa pagkumpleto, pag-review, at pag-submit ng kanilang mga requirements.
Aktibong nakipagdiskusyon ang mga samahan sa oryentasyon. Bukod sa CSO accreditation, inalam din nila ang mga benepisyo na kanilang makukuha sa Community-based Swine Production through Clustering and Consolidation Project. Sampu sa mga samahan na nagsidalo ay nagpakita ng interes na magpa-accredit.
#### (✍📸My Bejasa)