DA-4A, ipinakilala ang mga programa sa idinaos na ‘Huntahan sa Kanayunan’ sa Maragondon
Nakipaghuntahan ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa mahigit sa isang daang magsasaka sa ikatlong pagdaraos ng Huntahan sa Kanayunan: A DA CALABARZON – Bagong Pilipinas Town Hall Meeting ngayong taon, sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Fidel Libao sa Maragondon, Cavite noong ika-29 ng Agosto.
Ito ay upang ipaabot ang mga programa at serbisyo ng Kagawaran sa mas maraming magsasaka ng rehiyon sa pangangasiwa ng Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS).
Naging bukas dito ang pagpaparehistro ng mga magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) kalakip ang pagbabahagi ng kani-kanilang isyu o tanong sa open forum na sinagot ng mga opisyal.
Kasama rin sa aktibidad ang ilang katuwang na ahensya, ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Coconut Authority (PCA), at Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) – Cavite.
Ikinatuwa naman ni Rhodora Sorrel, magsasaka mula sa Brgy. San Miguel – A, ang pagkakataon na nakapagtanong siya sa proseso kung paano makakahingi ng mas maraming barayti ng mga butong pananim na gulay at pataba.