Walong proyekto ang nai-turnover ng Department of Agriculture Region IV CALABARZON (DA -4A), sa pangunguna ng Regional Agricultural Engineering Division (RAED) nito, noong ika-29 ng Marso sa Sariaya, Quezon.
Layon ng mga proyektong ito na makatulong sa mga magsasaka ng Quezon na mapagaan ang ilang mga gawaing pangsaka sa pamamagitan ng mga imprastrakturang naibigay. Kabilang ang solar pump at diversion dam, greenhouse at nursery, wood vinegar facility, spring development at multi-purpose drying pavement sa naibigay ng DA-4A sa iba’t ibang baranggay ng Sariaya.
Sa tulong ng mga banner program at pag-asiste ng mga staff mula sa RAED, magagabayan ang mga tumanggap sa angkop na paggamit at pagpapanatili ng kaayusan ng mga nasabing imprastraktura. Hindi rin magtatapos sa pagbibigay ang aktibidad ng Kagawaran, ang mga ito ay patuloy na imo-monitor ng mga kawani upang makasigurong maayos na mapakinabangan ang mga ito ng nakararami.
Samantala, ilan pang mga proyekto ang nakatakdang i-turnover ng Kagawaran sa mga susunod na araw sa iba pang mga probinsya ng rehiyon.
#### (✍📸RAFIS)