Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Magsasaka at Mangingisda, idinaos ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) ang KADIWA ni Ani at Kita on Wheels sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station Compound, Batangas, noong ika-16 ng Mayo.
“Ang pagdaraos natin ng KADIWA ni Ani at Kita ay simbolo ng patuloy nating suporta sa pag-angat ng ating mga magsasaka’t mangingisda. Tandaan po natin na ang isa sa susi ng pag-unlad ng isang bayan ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maunlad na sektor ng agrikultura. Muli, maligayang pagdiriwang ng buwan ng magsasaka’t mangingisda,” ani OIC-Regional Technical Director for Operations and Extension Engr. Abelardo R. Bragas.
Kabilang sa mga samahang lumahok at nagbenta ng kani-kanilang produkto ay ang The Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative; Atimoya Farmers’ Association, Inc.; Southern Luzon Farmers and Traders (SOLUFAT) Agriculture Cooperative; Luntian Multi-Purpose Cooperative; Lipa Beekeepers’ Association; Pederasyon ng mga Samahan ng Magsasaka ng Tioang, Quezon Inc.; Samahang Maggagatas ng Batangas Cooperative; Rootcrop Growers of Batangas; Barigon Multi-Purpose Cooperative; Yeye’s Tinapa; at Fishers’ Multi-Purpose Cooperative.
Sila ay ilan sa mga samahan sa rehiyon na natulungan sa pamamagitan ng Enhanced KADIWA ni Ani at Kita Program at patuloy na inaalalayan sa pagbebenta ng mga produkto ng DA-4A sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division.
Ilan sa mga produktong ibinenta ay sariwang gulay at prutas; karne at itlog; sariwang gatas; turmeric brew at ubi powder; at patis at bagoong.
“Sa pamamagitan po ng KADIWA ni Ani at Kita on Wheels ay nabibigyan po kami ng oportunidad upang maipakilala ang aming mga produkto at makatulong sa pagkamit natin ng food security. Salamat po sa DA sa tuluy-tuloy na pag-alalay sa mga magsasaka at mangingisda,” ani SOLUFAT Chairman G. Lorenzo Catacutan.
#### (✍📸: Jayvee Amir P. Ergino)