Nakiisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa isinagawang pagsasanay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources IV-CALABARZON (BFAR-4A) patungkol sa deboning o pagtatanggal ng tinik ng bangus sa mga miyembro ng Wounded Soldiers Agriculture Cooperative (WSAC) noong ika-12 ng Oktubre.
“Noon pa man ay binibigyan na natin ng food processing training ang wounded soldiers at ang kanilang mga asawa para makatulong sa kanilang kabuhayan. Makakaasa kayo na kami po ng BFAR ay patuloy na magiging magkatuwang sa pagsasagawa ng mga proyekto at programa para sa pagkakaroon ng de-kalidad at ligtas na pagkain para sa lahat,” ani DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan.
Layunin ng pagsasanay na matulungan ang mga miyembro na mabigyan ng dagdag na halaga o value adding ang kanilang mga produktong isda sa pamamagitan ng food processing na gaya ng fish deboning.
“Ang pagsasanay na ito ay simple pero ‘pag nagawa nang tama ay makakapag-generate ng income at livelihood para sa kooperatiba. Ito ay unang hakbang pa lang. Masisiguro po natin na tuluy-tuloy ang pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga miyembro ng ating kooperatiba,” ani BFAR-4A Regional Director Sammy A. Malvas.
Pinasalamatan ng mga sundalo ang DA-4A at BFAR-4A sa isinagawang pagsasanay.
“Mahalaga ang training na ito in preparation for our return bilang civilian. Sa pamamagitan nito ay magkakaroon ng extra income kami na mga sundalong sugatan na hindi na makakabalik pang muli sa serbisyo dahil sa kapansanang aming nakamit sa pakikipaglaban,” ani 1st Lt. Jerome J. Jacuba, Chairperson ng WSAC. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)