DA-4A, kaisa sa Grand Fair ng Anti-Red Tape Authority sa SM Sto. Tomas
Kaisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa isinagawang Grand “Ease of Doing Business” (EODB) Fair ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa SM Sto. Tomas City, Batangas noong ika-23 ng Mayo.
Ang Grand EODB Fair ay isang one-stop-shop na oportunidad para sa mga mamamayan na magkaroon ng akses sa mga serbisyo ng gobyerno gaya ng Kagawaran ng Pagsasaka.
Dito ay binigyan ng sariling booth ang DA-4A kung saan namahagi ng mga pananim na buto ng gulay na okra, pechay, upo, kangkong, sitaw, at mustasa para sa mga residenteng nais na magtanim sa kanilang mga bakuran. Bahagi ito ng pagsusulong ng Kagawaran sa Urban Gardening.
Anumang mga katanungan sa sektor ay sinagot din ng mga teknikal na kawani sa booth habang inilalahad ang mga polyetos na babasahin patungkol sa produksyon at serbisyong pang-agrikultura.
Ikinatuwa ni Emily Torres mula sa Brgy. San Jose, Sto. Tomas City ang higit sa sampung buto ng gulay na hindi niya akalaing makukuha sa simpleng pagdaan lamang sa mall noong araw na iyon. Aniya, makakatulong ang pagtatanim niya nito na kapag nagbunga ay maihahalo niya sa mga paboritong putahe..
(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)