Bilang pakikisa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa nasyonal na paglulunsad ng KADIWA ng Pasko, limang samahan ng magsasaka mula sa rehiyon ang lumahok sa pagsasagawa nito sa anim na lungsod ng Maynila noong ika-16 ng Nobyembre 2022.

Sa pamumuno ng kalihim ng kagawaran, Presidente Ferdinand R. Marcos Jr., nilalayon ng aktibidad na handugan ng pagpipilian ang mga mamamayan at direktang makabili ng mga ani ng mga magsasaka na may mataas na uri sa murang halaga. Kalakip nito, nagsisilbi rin itong pagkakataon para sa mga magsasaka na direktang maipakilala at maibenta ang kanilang mga produkto sa merkado.

Kabilang sa mga samahan ng mga magsasaka mula sa CALABARZON ay ang San Luis Farmers Agriculture Cooperative, Alfonso Cavite Farmers Producers Cooperative, Root crops Growers of Batangas Agriculture Cooperative and The Rosario Livestock, Buklod Unlad Multi-Purpose Cooperative and Root Crops Growers of Batangas Agriculture Cooperative, at San Jose Workers Multi-Purpose Cooperative. Sila ay nakapagbenta sa mga lungsod ng Mandaluyong, San Juan, Makati, Muntinlupa, Quezon, at Marikina.

Sa bisyon ng presidente na mapababa ang presyo ng bigas sa bansa, tampok sa aktibidad ang pagbebenta ng ipinagmalaki niyang bigas na nagkakahalaga lamang ng dalawampu’t limang piso (P25). Ayon sa kanya, nalalapit na ang pangarap niyang dalampung pisong (P20) bigas sa bansa at mananatili ang mga tindahang ito hanggang matapos ang panahon ng pasko. #### (✍🏻 Danica Daluz;  AMAD)