DA-4A, kaisa sa pagdiriwang ng World Antimicrobial Resistance Awareness Week 2024
Kaisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa isang linggo ng pagdiriwang ng World Antimicrobial Resistance Awareness Week (WAAW) 2024 na may temang “Educate, Advocate, Act Now” simula ika-18 hanggang ika-24 ng Nobyembre.
Ito ay upang pataasin ang kamalayan ng mga mamamayan ukol sa Antimicrobial Resistance (AMR). Ang AMR ay tumutukoy sa isang sitwasyon kung saan ang mga mapinsalang bacteria, virus, fungi, at mga parasitiko ay tumataas ang resistensya laban sa mga pamuksang gamot gaya ng antibiotic dahil sa mali o hindi wastong paggamit nito.
Dito ay patuloy na binubuhay ng Kagawaran ang adbokasiya ng pag-iwas sa maling paggamit ng antimicrobials kung saan nakasalalay ang kalusugan ng publiko, seguridad ng pagkain, at masaganang agrikultura.
Bilang tanda, sa pangunguna ni Regional Executive Director Fidel Libao ay nagsuot ang mga kawani ng kulay asul na damit sa isinagawang flag raising ceremony kasabay ng sama- samang panunumpa ng “Panata para sa Wastong Paggamit ng Antibiotics” at paglagda sa commitment wall.
Ayon kay Regulatory Division OIC-Chief at Livestock Program Coordinator, ang pagpigil sa pagkalat ng impeksyon ay responsibilidad ng lahat para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon. Aniya, nararapat na pagtuunan ang pagsulong ng Good Agricultural Practices para sa mga magsasaka gaya ng pagsasagawa ng biosecurity. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)