DA-4A, kaisa sa selebrasyon ng Filipino Food Month na pinangunahan ni Pangulong Marcos sa Quezon

 

 

Kaisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa pagbubukas ng taunang selebrasyon ng “Buwan ng Kalutong Pilipino” o Filipino Food Month (FFM) na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa unang linggo ng Abril sa bayan ng Lucena City, Quezon.

Ang pagdiriwang na may temang “Sarap ng Pagkaing Pilipino: Yaman ng ating Kasaysayan, Kultura, at Pagkatao” ay layong maipakilala sa pamamagitan ng mga Pagkaing Pilipino ang kasaysayan at kultura ng bansa. Bawat putahe ay inaasahang sumalamin sa tradisyon ng mga Katutubong Pilipino bilang pagpapakita ng respeto at suporta sa mga lokal na produkto.

Naging tampok din ang bagong logo ng FFM na nagtataglay ng mga kulay na bumubuo sa bandila ng Pilipinas habang kumakatawan sa pamanang kultura, partikular ang mga lutuin mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ayon kay Pangulong Marcos, nagsisilbi ring paraan ang FFM upang mas paigtingin ang kanyang patuloy na adbokasiya ng pagkakaisa at masusing ugnayan sa pagitan ng mga ahensya ng DA, Department of Tourism (DOT), National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at ng Philippine Culinary Heritage Movement (PCHM).

Samantala, sa pangunguna ni DA-4A Regional Executive Director Fidel Libao kasama ang Agribusiness and Marketing Assistance Division, ipinagmalaki sa aktibidad ang mga produktong agrikultural mula sa mga samahan ng magsasaka na Flavors of Quezon, Samahang Magsasaka ng Nieva, Ruminant Raisers of San Antonio, Quezon Agriculture Cooperative, Yakap at Halik Multi- Purpose Cooperative Quezon 2, Marylou Rejano Food Products, High Value Crops Marketing Cooperative of Quezon, Pinagdanlayan Rural Improvement Club MPC, at Tayabas City Coconut Farmers Agriculture Cooperative na nakiisa sa ginanap na trade fair.

#### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)