Nagpulong ang Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) kasama ang market administrators, municipal agriculturists, at iba pang kawani ng local government units patungkol sa pagbabantay-presyo ng mga bilihin mula sa sektor ng agrikultura sa rehiyon.
Isinagawa ito upang mas mabigyang linaw ang mahahalagang impormasyon at proseso tungo sa mas maayos, tama, at patas na pagprepresyo ng bilihin kung saan parehong makikinabang ang mga prodyuser at mga mamimili.
Alinsunod ito sa Republic Act No. 7581 o Price Act na naglalayong labanan ang hindi makatarungang pagtataas ng presyo ng bilihin sa merkado.
Pinangunahan ni Gng. Editha M. Salvosa, hepe ng DA-4A Agribusiness and Marketing Assistance Division ang diskusyon. Binahagi niya ang basehan, proseso, polisiya, at datos ukol sa pagbabantay-presyo na isinasagawa ng Kagawaran. Aniya, malaki ang papel ng lokal na pamahalaan sa pagdedesisyon sa presyo ng mga bilihin dahil mas alam nila ang sitwasyon ng produksyon at kalakalan sa kanilang lugar.
“Mabuti po at nagkaroon tayo ng ganitong meeting dahil mas namumulat tayo sa sitwasyon at sa mga bagay na nakakaapekto sa pagbabantay-presyo,” ani G. Romeo Cruz, Municipal Agriculturist ng Tanay, Rizal.
Nilahad din sa pagpupulong ang mga miyembro ng Regional Bantay Presyo Monitoring Team (RBPMT) na pangungunahan ni DA Assistant Secretary for Operations and DA-4A Regional Executive Director Engr. Arnel V. de Mesa.
Ang RBPMT ang mangunguna sa pagsasagawa ng price and supply monitoring sa rehiyon at sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan sa mga isasagawang aksyon sa sitwasyon sa kanilang lugar.
“Kailangan po nating mapag-igting ang RBPMT para sa maayos na implementasyon ng pagbabantay-presyo lalo na ngayong panahon ng krisis. Patuloy pong paghuhusayin ng Kagawaran ang suporta sa produksyon at logistics sa sektor ng agrikultura upang mapanatiling abot-kaya ang mga presyo ng bilihin,” ani Asec. de Mesa.
Dumalo rin sa pulong si G. Pedrito R. Kalaw, chairman ng Regional Agricultural and Fishery Council; Bb. Mary Ann Gajardo, Agricultural Program Coordinating Officer ng Rizal; at mga kawani ng iba pang ahensya na kaagapay ng DA sa pagbabantay-presyo.
#### ( My Bejasa)