Masayang tinanggap ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pangunguna ni Regional Executive Director VIlma M. Dimaculangan, si Hannah Sophia D. Norte ng APEC Schools.
Mula 78 kabataan sa Lipa City, Batangas na dumalo sa Youth Leadership Training ng lokal na pamahalaan, si Bb. Norte ang napili bilang Youth DA-4A Regional Executive Director mula ika-6 hanggang ika-10 ng Agosto.
Layunin ng nasabing training na linangin ang kakayahan ng mga kabataan na mamuno sa pamamagitan ng mga isinagawang aktibidad noong nakaraang dalawang linggo at ang tila internship o immersion sa loob ng isang linggo sa opisina kung saan sila idinestino.
“Malaking responsibilidad ang pagiging RED. Ine-expect ko po na matutunan kong maging tulad niya [Director Dimaculangan] pagdating sa pagiging leader. Gusto ko pong maging responsible gaya niya,” ani Bb. Norte.
“Umaasa kami na sa pamamagitan ng experience ni Hannah dito ay mahikayat siya at ang iba pang kabataang gaya niya na maging interesado na maging bahagi ng sektor ng agrikultura,” sabi naman ni Director Dimaculangan. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)