DA-4A, Matagumpay na Sinimulan ang Unang Linggo ng National Women’s Month

 

 

Matagumpay na inilunsad ng Department of Agriculture IV-A CALABARZON (DA-4A) ang pagdiriwang ng National Women’s Month (NWM) ngayong Marso, tampok ang mga aktibidad na nagpapakita ng pagkilala at pagpapahalaga sa kababaihan sa sektor ng agrikultura.

Isa sa mga pangunahing gawain sa unang linggo ay ang Gender and Development (GAD) Training, kung saan tinalakay ang mahahalagang konsepto ng GAD, Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC), at mga batas laban sa diskriminasyon at karahasan tulad ng RA 7877 o Anti-Sexual Harassment Act, at RA 11313 o Safe Spaces Act. Layunin nitong maipaunawa sa mga kawani ang mga legal na batayan at aplikasyon ng GAD sa kanilang mga opisina.

Bilang kalahok, binigyang-diin ni Cavite Agricultural Research and Experiment Station Senior Science Research Specialist Gng. Gina Rosarda ang kahalagahan ng ganitong mga pagsasanay upang maunawaan ng bawat kawani ng gobyerno ang kahalagahan ng GAD. Aniya, kahit hindi ito direktang kaugnay ng kanilang trabaho, konektado ito sa lahat, kaya’t kailangang matutunan ito upang mas epektibong maipatupad sa DA-4A.

Samantala, ilan pa sa mga nakatakdang aktibidad para sa buong buwan ng selebrasyon ay ang fashion show, health and wellness camp, Women’s Agri-Trade Fair, networking at community engagement, at cooking contest.

Ito ay upang mas makapagbigay ng maraming oportunidad sa mga kababaihan ng DA-4A upang maipakita ang kanilang talento, kakayahan, at mahalagang papel sa lipunan.#### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)