“Nakikitaan ko ng potensyal ang Halal industry dito dahil ang region IV-A ang isa sa pinakamasigasig sa pagpo-promote ng Halal products. Ang Halal certification ay hindi na lang pang-Muslim, ito ay high standard food safety.”
Ito ang sabi ni Atty. Jamil Adrian Khalil L. Matalam, National Halal Program Head, sa isinagawang capacity building on Halal certification ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Halal Food Industry Development Program (HFIDP) noong ika-23 hanggang 24 ng Nobyembre.
Layunin ng aktibidad na mahikayat ang 47 Good Agricultural Practices (GAP), Good Animal Husbandry Practices (GAHP), at organic-certified stakeholders ng CALABARZON na magpa-Halal certify.
Tinalakay sa aktibidad ang mga katangian na kailangang taglayin at mga hakbang na dapat gawin para maging Halal-certified gaya ng pagsisiguro na walang bahid ng baboy ang kanilang produkto mula pre-production hanggang sa merkado, Halal na pamamaraan ng pagkatay ng hayop, at nakapasa sa mga sertipikasyon gaya ng GAP at GAHP.
“Ang mga training po na tulad nito ay isa sa mga paraan namin para matulungan ang magsasaka at food producers na gaya ninyo na makamit ang mataas na kita. Kaya sana po ay magtuluy-tuloy kayo hanggang sa maging Halal-certified kayo. Sigurado naman po na katuwang ninyo kami maging sa pagpapa-certify,” ani DA-4A Field Operations Office Chief Engr. Redelliza A. Gruezo.
Sa pamamagitan ng Halal certification, lalawak ang maaabot na mamimili ng certified food producers, sapagkat maging ang mga Muslim ay makakakonsumo na rin ng kanilang produkto.
Tinatayang nasa 10% o nasa 700,000 ang populasyon ng mga Muslim sa Pilipinas. Malaki itong oportunidad para sa food producers na magpapa-Halal certify lalo’t maging ang mga hindi Muslim ay tumatangkilik din ng mga Halal na produkto. Maaari ring ma-export ang kanilang mga produkto sa mga Muslim na bansa.
“Narinig namin sa nadaluhan namin noong training ng DA na magbu-boom daw ang Halal industry kaya inasikaso namin ang pagpapa-certify. At totoo ngang napakalawak ng market nito at nag-boom ang negosyo namin. Nakakapag-export na kami sa Singapore, Dubai, at Malaysia at nadoble ang kita namin. Labis kaming nagpapasalamat sa tulong ng DA,” ani Ma. Almira C. Silva, may-ari ng Mira’s Turmeric Products, isa sa stakeholders na nakapagpa-Halal certify.
Patuloy ang DA-4A HFIDP sa pagpapalakas ng industriya ng Halal sa rehiyon sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga pagsasanay na tulad nito at pagpapaganda ng Halal facilities.
#### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A, RAFIS)