DA-4A, nagdaos ng forum sa paghahanda at pagtugon sa epekto ng La Niña sa agrikultura

 

 

Patuloy ang pagsisikap ng Department of Agriculture-IV CALABARZON na patatagin ang sektor ng agrikultura sa rehiyon laban sa epekto ng climate change sa pamamagitan ng Seasonal Climate Outlook Forum ng Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture (AMIA) Program noong ika- 9 ng Setyembre.

Ito ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang Local Government Units ng rehiyon kung saan tinalakay ang lagay ng panahon sa susunod, at mga Climate Resilient Agriculture (CRA) Technologies and Practices upang matugunan ang mga hamon ng La Niña sa mga lokal na pananim.

Ang La Niña ay isang natural na phenomenon na nauugnay sa malamig na bahagi ng El Niño- Southern Oscillation (ENSO) cycle. Sa panahon ng La Niña, ang temperatura ng dagat sa tropikal na bahagi ng Karagatang Pasipiko ay bumababa nang higit sa karaniwan. Ayon kay Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric, Geophysical and
Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) Chief Meteorological Officer Gng. Bernadette Lucillo, inaasahang ngayong Setyembre hanggang Marso 2025 ay mananalasa ang La Niña at magdudulot ng malawakang epekto sa rehiyon.

Nagpahayag din ang ilang dumalo ng kanilang mga karanasan sa pagpapaigting ng komunikasyon bago, sa oras, at pagkatapos ng kalamidad, higit lalo para sa ating mga magsasaka na walang kakayahang gumamit ng makabagong teknolohiya.

Malaki ang pasasalamat ni G. Carlo Palime ng Guinayangan, Quezon, sapagkat naging kaisa sila ng aktibidad. Aniya, sa pamamagitan ng forum ay mas mapapaghandaan nila ang anumang sakuna na darating. ### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)