Upang matulungan ang mga magkakape ng Cavite na mas linangin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagtatanim at pag-aalaga sa rejuvenated na puno ng kape at mapataas ang kanilang kita mula sa mga bunga nito, nagdaos ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Research Division, sa pangunguna nina Science Research Specialist Pedro R. Bringas, Jr. at Senior Science Research Specialist Elizabeth R. Gregorio ng “Lakbay-Aral ng mga Magkakape ng Magallanes” noong ika-14 ng Disyembre.
Ang aktibidad ay bahagi ng proyektong “Community-Based Participatory Action Research (CPAR) on Coffee-Based Farming Systems in Magallanes” na pinondohan ng DA-Bureau of Agricultural Research (BAR).
Sa aktibidad na ito ay pinasyalan ng mga miyembro ng Baliwag Coffee Farmers’ Association at Samahan ng Magkakape ng Medina mula sa Magallanes ang bagong rekonstruksyon ng coffee nursery ng Minantok East Coffee Growers’ Association ng Baranggay Minantok East, Amadeo at ang kanilang taniman ng kape kung saan sumailalim ang matatandang puno ng kape sa rejuvenation o ang proseso ng muling pagpapaganda at pagpaparami ng mga bunga nito. Kanila ring pinuntahan ang coffee nursery sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) at coffee processing facility ng Samahan ng Magkakape ng Lipa.
Ipinakita naman ni Arnold Malbataan, pangulo ng Samahan ng Magkakape ng Lipa, ang iba’t ibang paraan ng pagpoproseso ng kape. Pinaalalahanan din niya ang mga magkakape ng Magallanes na mahalagang magkaroon ng natatanging lasa ng kape upang mapataas ang kita at magkaroon ng sariling pagkakakilanlan ang mga magkakape. Makakamit ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga natutunan nila mula sa isinagawang lakbay-aral.
#### (✍Reina Beatriz P. Peralta, 📸DA-4A RAFIS; Pedro R. Bringas, Jr., DA-4A Research Division)