Pinulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang mga pamprobinsya, panlungsod, at pambayang agrikultor at agricultural extension workers (AEWs) sa rehiyon noong ika-15 hanggang ika-23 ng Marso 2022.
Ito ay upang ilahad ang mga plano, proyekto, at programa ng Kagawaran kasabay ng pagpapatibay ng gampanin ng mga agrikultor at AEWs tungo sa pagpapaunlad ng agrikultura sa rehiyon.
Ipinaliwanag ni Engr. Redelliza A. Gruezo, OIC-Chief ng Operations Division, ang mga pamantayan sa pagpili ng AEWs na aalalay sa mga magsasaka. Kanya ring ipinaalala na iparehistro ang lahat na nasasakupang magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang mapabilang sa mga lehitimong makakatanggap ng suporta mula sa Kagawaran.
Ibinahagi naman ni Gng. Editha A. Salvosa, hepe ng Agribusiness and Marketing Assistance Division, ang ilan sa mga serbisyong hatid ng kanilang dibisyon gaya ng Enhanced Kadiwa Program na sumusuporta sa mga Farmers and Fisherfolk Cooperatives and Associations (FCAs) at ang Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System na naghihikayat sa mga kabilang sa agri-fishery enterprises na magparehistro para sa iba pang karagdagang tulong.
Samantala, binigyang diin ni OIC-Regional Technical Director (RTD) for Operations and Extension Engr. Abelardo R. Bragas ang kahalagahan ng presensya ng mga Provincial at City/Municipal Agriculturists at AEWs sa rehiyon.
“Napakalaki ng role ninyo sa agricultural development. Ang magandang serbisyo sa bawat probinsya ay sumasalamin sa magandang agriculture sector,” ani RTD Bragas.
Inaasahan ang patuloy na pakikipagtulungan at mas matatag na ugnayan ng rehiyon sa lokal na pamahalaan tungo sa mas maayos at episyenteng pagpapatupad ng mga programa at higit pang pagpapatibay ng industriya ng agrikultura sa rehiyon at buong bansa sa pangkalahatan.
##### (DA-4A RAFIS)