Nagdaos ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program ng training on capacity building sa bagong buong rice farmers’ cooperatives and associations (FCAs)-clusters sa Batangas noong ika-13 hanggang 15 ng Oktubre.
Ang tatlong bagong rice FCAs-clusters ay ang Cawongan Farmers’ Association (FA) Cluster at Quilo-quilo South Irrigators’ FA Cluster mula sa bayan ng Padre Garcia at Laurel Municipal Federation of FA Cluster sa bayan ng Laurel.
Ang aktibidad ay bahagi ng Bayanihan Agricultural Cluster (BAC) Program sa ilalim ng labing-walong (18) pangunahing estratehiya ng DA.
Layunin ng BAC na pag-isahin sa isang cluster ang FCAs na may magkakalapit na palayan na kapag pinagsama-sama ay makakabuo ng isang daang (100) ektarya.
Ang FCAs na magkakasama sa cluster ay maghahati-hati sa mga interbensyong ipinagkakaloob ng DA-4A, gayundin sa kanilang sinasaka at kinikita. Ito ay nang sa ganoon, walang miyembro ng cluster ang mapag-iiwanan sa pagkamit ng masaganang ani at mataas na kita.
“Hangad po ng ating Kagawaran na lalo pang matulungan ang ating mga magsasaka. Kaya po kayo naging cluster ay para mapabilis ang aming pagbibigay sa inyo ng mga interbensyon,” paliwanag ni DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan.
Tinalakay sa pagsasanay ang mga paraan kung paano lalong mapapataas ng clusters ang kanilang inaaning palay. Ito ay sa pamamagitan ng pagtukoy sa kung anong mainam na binhi ng palay ang angkop na itanim sa kanilang sakahan, mga hakbang at kahilingan sa pagseseguro o pagkuha ng crop insurance, at iba’t ibang loan facilities na maaari nilang kunin bilang puhunan sa kanilang kabuhayan.
Bahagi rin ng talakayan ang pagbabahagi ng mga paraan kung paano gagawing mas epektibo ang pagma-market ng kanilang mga produkto.
“Nagpapasalamat kami sa DA na gumagabay sa amin sa pamamagitan ng training na ito. Napakalaking tulong kasi makakapagplano kami pagkatapos nito sa kung paano pa matutulungang pagbunga ang paghihirap ng aming mga magsasaka,” ani Jeorge M. Solis, Pangulo ng Laurel Municipal Federation of FA Cluster. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)