Tinipon ng Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture (AMIA) Program ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang banner programs, agricultural program coordinating officers (APCO), at iba pang mga yunit para sa isang Climate Forum cum Workshop on Farming Advisories noong ika-12 ng Mayo, 2022.
Layunin ng pagpupulong na maibahagi ang datos ng Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) patungkol sa klima para sa darating na wet season nang sa gayon ay maiangkop ng DA-4A ang mga interbensyon na ipamimigay nila sa mga magsasaka.
Tinalakay din ang Seasonal Climate Outlook and Farm Advisories para sa bawat probinsya at Climate Resilient Agriculture (CRA) Practices.
Inulat ni Bb. Bernadeth Lucillo, Chief Meteorological Officer ng DOST-PAGASA na magkakaroon ng La Niña na magtatagal hanggang first quarter ng susunod na taon at magkakaroon ng above normal precipitation sa lahat ng probinsya ng CALABARZON bukod sa probinsya ng Quezon, partikular na sa huling quarter ng taon.
“Ang AMIA ay handang tumulong upang ma-mainstream ang CRA dito sa rehiyon,” ani ni Gng. Aida Luistro, Alternate Focal Person ng AMIA program.
Ayon sa ginanap na workshop, kanais-nais ang katamtamang dami ng pag-ulan para sa tanim na kape, kakaw, pinya, mangga, saging, niyog, gulay, at iba pa. Ang pabago-bagong panahon naman mula Hunyo hanggang Oktubre ay maaaring magresulta sa pagkakaroon ng ubo, sipon, at lagnat sa mga alagang hayop kung kaya dapat silang mas bantayan. #### (✍📸:Ma. Betina Andrea P. Perez)