Nagdaos ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng pagsasanay tungkol sa Disaster Assessment and Response System (DARS) para sa 318 agricultural extension workers (AEWs) ng Quezon noong ika-7 at 8 ng Oktubre.
Ang DARS ay bahagi ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) System ng DA na naglalaman ng mga damage report sa mga sakahan.
Ayon kay Gabriel A. Renegado, DA-4A DRRM System Report Officer, layunin ng pagsasanay na magkaroon ng tiyak na damage report ng sakahan tuwing makakaranas ng mga kalamidad. Ito ay upang lalo pang mapabilis at naaayon ang ipinagkakaloob na interbensyon ng Kagawaran sa mga magsasaka.
“Isang napakalaking hamon para sa ating mga magsasaka ang masamang panahon. Kaya naman napakahalaga ng training na ito para sa atin ngayong dumadalas ang mga bagyo. Sa pamamagitan nito ay makakapag-isip tayo ng mga estratehiya kung paano natin mas mapapalakas ang tulong natin sa mga magsasaka,” ani DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan.
Binigyang-diin din dito ang kahalagahan ng pagdaraos ng AEWs ng pre-assessment o ang pagtukoy sa posibleng kalamidad na maaaring maranasan sa isang lugar base sa pagbabago ng panahon o climate change at sa kinaroroonan nito. Halimbawa ay kung ito ay malapit sa bulkan o kung nasa mababang lugar na madalas bahain. Sa ganitong paraan ay matutulungan ng AEWs ang mga magsasaka na makapaghanda at mabawasan ang labis na pinsala sa sakahan.
“Mahalaga sa amin ang training na ito dahil may bago kaming natutunan tungkol sa kung paano pa mas gagawing specific ang damage report. Sa ganitong paraan, mas mapapadali ang pagbibigay ng serbisyo sa mga magsasaka,” ani Jean U. Matias, Corn Commodity AEW mula sa munisipalidad ng Polilio. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)