Nagsagawa ng Harvest Festival ng tanim na pak choy kaugnay ng paggamit ng Organic Soil Amendment (OSA) derby ang Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES), Batangas, noong ika-23 ng Mayo, 2022.
“Ang harvest festival na ito ay magiging patunay na mabisa ang organikong pataba at makakatulong ito sa ating mga magsasaka upang maging balanse ang paglalagay ng kanilang pataba,” ani ni Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS) Director Dr. Vivencio Mamaril.
Ang resulta ng harvest festival na ito ay magiging basehan upang isulong ang organikong pagsasaka hindi lamang sa pak choy kundi sa palay at iba pang mga tanim.
“Ipagpapatuloy namin itong activity upang ipaalam sa mga magsasaka na ang organikong pataba ay safe, healthy, at kapaki-pakinabang sa ating lupa,” ani Research Division Chief at Organic Agriculture Program Coordinator Gng. Eda F. Dimapilis.
Ayon kay LARES Chief Gng. Virgilia D. Arellano, magkakaroon din ng iba pang pananaliksik sa LARES katulad nito kasama ang iba pang mga supplier ng organikong pataba.
#### (✍📸:Ma. Betina Andrea P. Perez)