Nagsagawa ng oryentasyon ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) patungkol sa Enhanced KADIWA ni Ani at Kita Inclusive Food Supply Chain Program para sa Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) noong ika-26 ng Abril, 2022.
Ang nasabing programa ay naglalayong mapalakas ang kapasidad ng FCAs sa food supply chain at makapagbigay ng kapital upang makapagpatayo sila ng KADIWA retail stores sa kanilang komunidad.
“Nagpapasalamat kami sa DA-4A dahil ipinabatid sa amin ang mga impormasyon na ito at dahil dito nagkaroon ng pag-asa ang aming kooperatiba na magtagumpay,” ani ni Bb. Roxane Halili, chairwoman ng Jala-Jala Farmers’ Marketing Cooperative.
“Mas maganda ang magiging takbo ng inyong negosyo kapag kayo ay napasali sa Enhanced KADIWA Program ng DA-4A. Handa ang DA-4A na tulungan kayong FCAs sa buong proseso ng inyong aplikasyon,” ani Gng. Editha M. Salvosa, hepe ng AMAD.
Binanggit din sa oryentasyon na ito ang mga patnubay sa programa at sa pagrerehistro sa Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Informations System at sa Civil Society Organization na isa sa mga kailangan sa pagsusuri ng FCAs. #### (✍📸Ma. Betina Andrea Perez)