Nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) ng pagsasanay sa Cacao Sustainable Production sa ilalim ng programang Cacao Community-Based Enterprise sa mga magkakakaw ng ikalawang distrito ng Quezon noong ika-12 ng Oktubre sa Lukong Valley, Brgy. Pinagdanlayan.
Ayon kay Bb. Maria Ana S. Balmes, focal person ng banana, coffee, and cacao commodities ng DA-4A, ang pagsasanay ay may layuning lalo pang maparami at mapaganda ang produktong kakaw sa Quezon.
“Darating din ang ang panahon na hindi na lang kayo basta magsasaka ng kakaw, kundi negosyante na ng de-kalidad na mga kakaw na maipagmamalaki sa Quezon,” ani G. Diony Rodolfa, Chief of Staff ni Congressman David C. Suarez.
Tinalakay ni G. Joel M. Ampay, Provincial Cacao Focal Person, ang iba’t ibang pamamaraan sa pagtatanim ng cacao, mula land preparation hanggang pag-aani. Tinuruan ang mga magsasaka ng wastong paggamit ng abono, pagkontrol sa mga peste, at cacao tree rejuvenation o ang muling pagpapabunga sa matandang puno ng kakaw.
“Maraming salamat po sa DA dahil sa ganitong uri ng pagsasanay. Marami po kaming natutunan na pwede naming mai-apply sa pagkakakaw. Talaga pong makakatulong ito sa pagpapataas ng produksyon namin,” ani Ruel Calinisan, Pangulo ng Samahan ng Industriya ng Cacao na Pangkabuhayan (SICAP) Dolores.
Dumalo rin sa pagsasanay sina Dolores Mayor Orlan A. Calayag, mga empleyado ng DA-4A, Dolores Municipal Agriculture Office, at Quezon Agricultural Program Coordinating Office. Isasagawa rin sa mga susunod na linggo ng Oktubre ang nasabing pagsasanay sa mga magsasaka mula sa mga munisipalidad ng San Antonio, Tiaong, Candelaria, Sariaya, Pagbilao, at Padre Burgos; at sa mga lungsod ng Lucena at Tayabas ng probinsya ng Quezon. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)
[Mga Larawan mula kay Bb. Maria Ana S. Balmes, DA-4A HVCDP]