« of 9 »

Nagdaos ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) ng pagsasanay sa produksyon ng kabute para sa labing-siyam (19) na magsasaka mula sa iba’t ibang samahan ng magsasaka mula sa mga lungsod ng Lipa, Sto. Tomas, at Tanauan sa lalawigan ng Batangas; at mga siyudad ng Bacoor, Dasmariñas, Imus, at Trece Martires sa lalawigan ng Cavite.

Layunin nitong sanayin ang mga nagsidalo sa pangangasiwa ng itinayong mushroom houses sa mga nasabing lugar.

Tinalakay sa nasabing aktibidad ang mga uri ng kabute, akmang lugar kung saan mainam na palakihin ang mga ito, at ang tama at mabisang paraan ng pagpapalaki. Nagkaroon din ng hands-on training kung saan lahat ng mga dumalo ay sumubok na magtanim ng kabute.

“Nagpapasalamat kami sa DA-4A para sa training na ito. Napakalaking tulong nito dahil pandagdag sa income namin ang pag-cultivate ng mga kabute. Ipapasa namin sa iba pa naming kasama ang mga natutunan namin dito,” ani ni Mary June Catapang, miyembro ng Tulo Multi-Purpose Cooperative.

Ito ay naganap noong ika-25 hanggang 26 ng Agosto sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES).

Samantala, sa unang araw ng Setyembre ay gaganapin ang pagsasanay sa mga magsasaka ng Quezon at Rizal na may mushroom house sa mga lungsod ng Lucena, Tayabas, at Antipolo. At sa susunod na araw ay gaganapin ang huling serye ng pagsasanay, na inaasahang dadaluhan ng mga magsasaka mula sa Laguna na mayroong mushroom house sa mga siyudad ng Biñan, Cabuyao, Calamba, San Pablo, San Pedro, at Sta. Rosa.

Pinagpaplanuhan ng DA-4A HVCDP na sundan ang pagsasagawa ng pagsasanay na ito patungkol sa mushroom processing. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)