Upang iangat ang antas ng pagsasaka ng palay sa CALABARZON sa pamamagitan ng digital agriculture, nagsagawa ng serye ng pagsasanay ang Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) tungkol sa Rice Crop Manager Advisory Service 4.0 (RCMAS 4.0) para sa walumpung (80) agricultural extension workers (AEWs) sa rehiyon.
Ang RCMAS 4.0 ay isang web-based application na binuo ng International Rice Research Institute (IRRI) sa pakikipagtulungan sa DA para sa mga magpapalay at AEWs. Ito ay nagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa pagtatanim gaya ng rekomendadong pamamahala ng nutrisyon o paggamit ng naaayon na dami ng abono o pestisidyo sa isang partikular na palayan.
Kasama rin sa RCMAS 4.0 ang farmer and farm lot registration, geo-referencing of farm lots, generation and printing of farmer ID cards, sending of auto-generated text messages to farmers’ mobile phone numbers, at farm monitoring upang lubos na matulungan ang mga magpapalay.
“Maganda ang dulot ng RCMAS para sa mga magpapalay dahil lubos itong nakakatulong na maibsan ang gastos sa farm inputs. May mga magsasaka kasi na hindi praktikal ang paggamit ng inputs o abono kung kaya sila ay napapamahal. Ngunit, sa tulong ng RCMAS ay maiiwasan ito dahil nagbibigay ito ng tamang rekomendasyon tungkol sa nutrient management ng ating palayan,” ani G. Jhoslee P. Ganan, AEW mula Tanza, Cavite.
Samantala, binigyang diin ni Bb. Suzette Claribelle T. Panopio, DA-4A RCM Focal Person, ang mahalagang kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan para sa mas epektibong pagpapatupad at paggamit ng RCM para sa ikakabuti ng mas maraming magpapalay at matulungan silang makamit ang masaganang ani at mataas na kita.
#### (📸Radel F. Llagas, DA-4A RAFIS; Rice Banner Program)