Nakiisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director (RED) Milo D. delos Reyes, sa Farmers and Fisherfolk’s Day ng lalawigan ng Batangas noong ika-18 ng Nobyembre, 2022, sa Batangas City.
Ang aktibidad na ito, na pinangunahan ni Governor Hermilando “Dodo” I. Mandanas, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor katuwang ang Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo, ay naglalayong pahalagahan at bigyang-pugay ang mga naging ambag ng mga magsasaka at mangingisda ng naturang probinsya sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Ibinahagi ni RED delos Reyes ang kaniyang pagbati, sa ngalan ni Senior Undersecretary Domingo F. Panganiban, sa magigiting at masisipag na magsasaka at mangingisda ng Batangas, at bawat isa anya sa kanila ay karapat-dapat na mabigyan ng pagkilala at pagpapahalaga dahil sa malaki nilang ambag sa pangunguna ng lalawigan pagdating sa produksyon ng ilang commodities.
“…Batangas is a top producer of livestock and poultry in the country. Major supplier din po ang ating lalawigan ng lowland vegetables at high-value crops…Ang Batangas ay nangunguna sa percentage share ng rehiyon sa bansa pagdating sa cattle, hog, coat, swine, chicken, at white corn production; pumapangalawa sa rain-fed palay production; pangatlo sa carabao production; pang-apat sa irrigated palay production; at panlima sa mga probinsya sa rehiyon pagdating sa duck production…” sinabi ni RED delos Reyes.
Ang pangunguna anya ng probinsya sa mga sektor na ito ay resulta ng patuloy na suporta at pagsusumikap ng ating mga magsasaka na maisakatuparan ang mga programa at proyekto ng pamahalaan patungkol sa agrikultura.
“Ito rin ay nagpapakita ng pagtupad natin sa isa sa mga direktiba ng ating Pangulo at Kalihim ng Kagawaran, Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na mas pataasin ang ating produksyon, at ang ating pagkakapit-kamay upang makatulong na maisakatuparan ang hangarin ng pamahalaan na makapagbigay ng pagkain para sa lahat,” dagdag ni RED delos Reyes.
Naging sentro ng aktibidad ang paggawad ng iba’t ibang pagkilala sa mga natatanging magsasaka at mangingisda, gayundin ang pagbibigay ng mga sertipiko ng mga tulong pang-agrikultura sa mga siyudad at bayan sa lalawigan.
Samantala, ang DA-4A ay nagkaloob ng P22,857,100.00 halaga ng interbensyon sa lalawigan ng Batangas na tinanggap ni Gov. Mandanas mula kay RED delos Reyes.
Ang nasabing selebrasyon ay dinaluhan din ng city at municipal agriculturists, private sector representatives, farmer-exhibitors, at iba pang kawani ng Kagawaran at ng pamahalaang panlalawigan. ### (Amylyn Rey-Castro/ORED)