« of 8 »

 

Namahagi ang Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) ng mga tulong pang-agrikultura sa mga farmers’ cooperative and associations (FCAs) at iba pang mga bisita sa ginanap na Integrated Sustainable Assistance, Recovery, and Advancement Program (ISARAP) Caravan ng pamahalaan sa Sta. Rosa, Laguna.

Ito ay bilang pakikiisa sa programa kung saan ang iba’t-ibang ahensya ay sama-samang naghahatid ng impormasyon at mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan bilang tanda na sila ay mananatiling handa, masigasig, at taos-puso sa paglilingkod magpalit man ang mga opisyales na mamumuno sa bansa.

Pinangunahan ni Bb. Redelliza Gruezo, hepe ng DA-4A Field Operations Division sa pamamahagi ng mga tulong sa sampung samahan. Nakatanggap sila ng mga binhi ng gulay, buto ng mais, knapsack sprayer, multi-cultivator, bagging machine, at iba pang gamit sa pagtatanim mula sa High Value Crops Development at Corn Programs.

“Sa tulong po ng aming natanggap, malaki po ang matitipid namin sa puhunan namin sa aming maisan at gulayan. Madadagdagan din po namin ang aming produksyon,” ani Sotero Mamalayan, pangulo ng Brgy. Burol, Calamba, Laguna.

“Umaasa kami sa DA-4A na makakatulong ang mga ito sa patuloy na pagsuplay nila ng pagkain sa kanilang mga pamilya at sa kanilang pagkita ng pera para sa mga araw-araw nilang gastusin. Sana ay mapapagyaman nila ang mga tulong na kanilang natanggap,” ani naman ni Bb. Gruezo.

Nagtayo rin ang Kagawaran ng isang booth na tinampok ang mga sariwang ani at mga bidyo ng mga matatagumpay na benepisyaryo. Namigay din dito ng mga libreng binhi at mga gabay sa pagtatanim para sa mga bisita. Tinipon din ang mga benepisyaryo upang pag-usapan ang sitwasyon sa kanilang mga bukid at upang malaman nila ang mga serbisyo o programa ng Kagawaran na maaari nilang makuha o salihan.

“Malaki pong pandagdag itong mga binhi sa aming mga pananim na gulay sa komunidad na pinapakain po namin sa mga kabataan,” ani Lorenza Gerardo ng Homeowners’ Association sa Brgy. Langkaan, Dasmariñas, Cavite.

Nagsilbing guest speaker ng caravan si Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez. Kinilala at pinasalamatan niya ang mga ahensya sa tuloy-tuloy at masigasig na paglilingkod ng mga ito sa kabila ng mga nagdaan at nararanasan pang krisis.

“Sa pamamagitan ng ISARAP, naipapaalala po natin sa ating mga mamamayan na mayroon pong gobyerno na susuporta sa kanila tungo sa pagkakaroon ng masaganang buhay at pagtupad ng kanilang mga pangarap,” aniya.

Ang caravan ay dinaluhan ng iba pang ahensya gaya ng Department of Social Welfare and Development, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Philippine Coconut Authority, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Department of Information Communications Technology, Department of Health, Department of Trade and Industry, Department of Education, National Irrigation Administration, Department of Human Settlements and Urban Development, National Housing Authority, atbp.