Nakiisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa International Coastal Cleanup (ICC) Day noong ika-1 ng Disyembre sa Brgy. Olo-olo, Lobo, Batangas.

Ang ICC Day ay isang pandaigdigang kaganapan na naglalayong tipunin ang bawat mamamayan sa bawat bansa na maglinis sa mga tabing baybayin, ilog, lawa, at iba pang daanan ng tubig. Kaakibat nito ang pangangalap ng impormasyon ukol sa rami at mga uri ng basurang nakolekta.

Apatnapu’t apat (44) na kawani ng DA-4A ang nakilahok at nagtulong-tulong maglinis sa baybayin ng nasabing barangay.

Samantala, ginamit na panukat ng mga kalahok ang application na “Clean Swell” upang masubaybayan ang distansya ng nalinis na baybayin at bilang ng mga basurang nakolekta. Aabot sa 23 na sako ng basura ang nakolekta. Ilan sa mga ito ay plastic bag, bote ng tubig, plastic cups, utensils, at iba pa.

Malugod na nagpahatid ng pasasalamat si PMED Chief Maria Ella Obligado sa aktibong pakikilahok ng lahat. Aniya, sa pamamagitan ng coastal cleanup ay naipapakita nito ang adbokasiya ng gobyerno at ng iba’t ibang sektor ng lipunan na nagpapahalaga sa karagatan. Ito rin ang nagsisilbing huwarang kagawian para sa susunod na henerasyon. #### (✍🏻Danica Daluz 📸Ma. Betina Perez)