Pinagkalooban ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Livestock Program ang sampung miyembro ng San Miguel Farmers’ Association ng 140 katutubong manok noong ika-7 ng Setyembre.
Ang pamamahagi ay tulong ng DA-4A para sa pagsisimula ng asosasyon ng mga magsasaka ng mais at gulay sa bayan ng Padre Garcia, sa lalawigan ng Batangas, na naitatag nito lamang ika-16 ng Agosto.
Ang sampung miyembro ay nabigyan ng tig-sasampung inahin at apat na tandang na kanilang pararamihin hanggang sa ang lahat ng miyembro ay magkaroon ng aalagaang manok na pagkukunan ng dagdag na pagkakakitaan.
“Kami po ay natutuwa dahil sa mga ibinigay na tulong ng Department of Agriculture para sa amin na mga magsasaka. Imo-monitor po namin at hindi pababayaan ang kanilang mga ipinamigay,” ani Wilfredo V. Calingasan, auditor at co-founder ng San Miguel Farmers’ Association.
Nagsagawa rin ng maiksing pagsasanay tungkol sa tamang pagpapalaki ng katutubong manok ang DA-4A Livestock Program para sa mga benepisyaryo.
[Mga Larawan mula kay Bb. Dayann Alcala ng DA-4A Livestock Program]