Nagpatuloy ang pamamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng ayuda para sa mga magsasakang labis na naapektuan ng bagyong Jolina. Ito ay isinagawa sa iba’t ibang bayan ng Laguna mula ika-19 hanggang ika-22 ng Abril.
Kabilang ang patabang organiko at microbial fertilizer sa mga ayudang ipinagkaloob sa mga magsasaka sa mga bayan ng Sta. Maria, Famy, Sta. Cruz, at Bay, at lungsod ng Cabuyao upang makatulong sa pagrekober ng kanilang mga sakahan.
Kasabay nito ang isahang pakikipag-usap sa mga magsasaka upang matulungang suriin ang kalagayan ng kanilang pagsasaka sa pamamagitan ng Rice Crop Manager (RCM) Advisory Service. Ito ay upang alamin ang kanilang mga gawi sa sakahan at mabigyan ng wastong gabay batay sa mga impormasyong kanilang ibinigay patungkol sa kanilang pagsasaka.
“Malaki po ang nagiging tulong ng RCM sa amin lalo na sa pag-alam ng tamang pamamaraan at panahon ng pag-aabono. Pati ang paglalagay ng angkop na dami ng abono base sa lagay at pangangailangan ng lupa at pananim. Napakaimportante po kasi ng timing sa pagsasaka kaya naman pasalamat kami sa paggabay sa amin,” Ani G. Melchor Arcillas, magsasaka mula sa Bay, Laguna.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng DA-4A Rice Program staff na si G. Erickson Sagun at Agricultural Program Coordinating Officer ng Laguna Ma. Annie S. Bucu, kasama ang Provincial Rice Focal na si Gng. Corazon Calabia at mga kawani ng bawat nabanggit na lokal na pamahalaan.
####(✍📸Chieverly Caguitla)