Aabot sa 125 magpapalay mula sa Batangas ang nakatanggap ng ayudang binhi at pataba nitong ika-17 hanggang ika-20 ng Mayo mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A).
Ang mga magpapalay mula sa mga bayan ng Calatagan, Balayan, Lian, at Laurel ang mga benepisyaryo ng mga binhi na hybrid at organiko, at foliar na pataba. Kasabay nito ang pagtalakay at pagbibilin ukol sa episyenteng pagtatanim ng mga binhi at angkop na paggamit ng mga pataba.
Ang pamamahagi ay naglalayong palawigin ang paggamit ng hybrid na barayti upang mas mapataas ang produksyon ng mga magpapalay.
Ayon kay G. Erickson Sagun ng DA-4A Rice Banner Program, importante ang pagkakaroon ng magandang kalidad ng binhi sa pagtatanim at makatutulong ang paggamit ng hybrid upang maitaas ang ani sa mga palayan.
“Malaki pong tulong ang ayuda na ibinigay sa amin ng DA at sisikapin po namin na pagbutihin ang aming pagbubukid. Kami po ay lubos na nagpapasalamat na kahit nandito po kami sa malayong lugar ay nararating po kami ng mga programa na nakakatulong sa amin na mga magsasaka,” ani Gng. Honorata Casabuena, magsasaka mula sa bayan ng Laurel.
Katuwang ng DA-4A ang mga kawani mula sa lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga pambayang agrikultor sa naganap na serye ng pamamahagi ng mga ayuda.
#### (✍📸: Chieverly Caguitla)