“Kaya po nandyan ang mga ipinamigay na tulong ay dahil hangad po namin na hindi lamang basta maparami ang inyong mga produkto, kundi paramihin pa ang produktong maidadala sa merkado.”
Ito ang mensahe ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary for Operations and Agri-Fisheries Mechanization Engr. Ariel T. Cayanan sa mga magsasaka ng ikalawang distrito ng probinsya ng Batangas na nakatanggap ng mga interbensyon na nagkakahalaga ng P12,214,938 mula sa DA IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-16 ng Setyembre.
Ang pamamahagi ng interbensyon ay pinangunahan nina DA Undersecretary Cayanan, DA Assistant Secretary Engr. Arnel V. de Mesa, DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan, at Batangas 2nd District Congressman Raneo E. Abu.
Ang mga magsasaka ay nakatanggap ng mga sumusunod: mga binhi ng gulay, seedling trays, plastic mulch, UV plastic, plant growth enhancer, black net, drip irrigation system, complete fertilizer, urea fertilizer, multi-cultivator, corn husker shelter, knapsack sprayer, mga binhi ng hybrid glutinous seed, insecticide, pump and engine set for shallow tube well, at mga baka.
“Nagpapasalamat kami sa walang sawang suporta na ibinibigay ng DA sa Bauan. Hindi lang ito ang unang beses na nakatanggap kami ng tulong mula sa kanila at tuluy-tuloy ang kanilang pagtulong sa amin. Malakiing bagay ang mga ito dahil ‘di na kami bibili ng mga kagamitan,” ani Roberto M. Alegria, pangulo ng Gulayaman Bauan Farmers’ Association (FA).
Nakatanggap din ang Bonliw at San Luis FA ng hauling truck na nagkakahalaga ng P2-M mula sa Enhanced KADIWA Program ng DA-4A at DA-4A High Value Crops Development Program (HVCDP). Ang mga ito ay kanilang gagamitin para sa mabilis at mas madaling pagpapadala ng kanilang produkto mula sakahan patungong pamilihan.
“Taos-puso po kaming nagpapasalamat sa truck na ipinagkaloob sa amin ng DA-4A. Mababawasan nito ang transport cost ng aming mga magsasaka. ‘Yong dapat na pang-arkila ng sasakyan para sa delivery ay gagamitin namin sa iba pang pangangailangan ng samahan,” ani Roberto C. Cuasay, pangulo ng San Luis FA.
“Kami po sa Kagawaran ay nakatuon sa produksyon hanggang sa marketing ng ating mga magsasaka para mas mapadali ang kanilang trabaho. Sana po ay pagyamanin ninyo ang mga biyayang ito,” ani DA-4A Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan.
“Nariyan ang DA para matugunan ang inyong pangangailangan. Hangad po namin na mapagyaman ang ating bayan, higit sa lahat mapagyaman ang inyong sarili,” dagdag ni Congressman Abu. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)