Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON, na pinangunahan nina DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan at Quezon 1st District Representative Wilfrido Mark M. Enverga, ng mga alagang hayop noong ika-14 ng Oktubre sa mga magbababoy mula sa bayan ng Mauban at Lucban sa probinsya ng Quezon na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) ang kabuhayan.
Layunin ng pamamahagi na tulungan ang mga magbababoy na makabangon sa epekto ng ASF at magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan.
“Atin pong aalagaan at pararamihin ang mga hayop na naipamigay dahil ito ay hindi lang tulong sa inyo, kundi pati sa iba pang mga magsasaka. Nais din po natin na mas marami pa ang makinabang sa mga ito kapag inyo nang naparami,” ani Director Dimaculangan.
Nakatanggap ang 138 magbababoy ng broiler production module na kinapapalooban ng limampung (50) broiler na sisiw, bitamina, mga patuka, at P2,000 na pambili ng tangkal ng sisiw.
Sa tamang pag-aalaga ay maaari na nilang maibenta ang palalakihing sisiw sa loob ng tatlumpu’t limang (35) araw.
“Napakalaking tulong po ng mga sisiw na ito sa aming kabuhayan dahil hindi po kami makapag-alaga ng baboy ngayon. Pangako po naming aalagaan ang mga ito,” ayon kay Rosalie B. Flores, magbababoy mula sa Brgy. Alitap, Mauban.
Sampung (10) magbababoy naman ang nakatanggap ng tig-iisang babaeng kalabaw na kanilang palalakihin at pararamihin.
“Sana po sa pamamagitan ng mga tulong na ito ay maibsan kahit paano ang inyong paghihirap. Ang aming hiling naman ay inyong pagyamanin at pahalagahan ang mga ito,” sinabi ni Congressman Enverga.
Ibinahagi naman ng isang magbababoy mula Brgy. Kalyaat na si Armando P. Salayong na, “Malaking tulong po sa amin na mga magsasaka ang mga babaeng kalabaw dahil bukod sa mapaparami naming ang mga ito ay pwede ring ibenta ang kanilang gatas.”
Dumalo rin sa aktibidad sina DA-4A OIC-Regional Technical Director for Operations Engr. Abelardo R. Bragas, Field Operations Division (FOD) OIC-Chief Engr. Redelliza A. Gruezo, FOD OIC-Asst. Chief Fidel L. Libao, Regional Agricultural Engineering Division OIC-Chief Romelo F. Reyes, at Quezon Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Rolando P. Cuasay. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)