Tuluy-tuloy ang pamamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng bayad-pinsala sa mga magbababoy na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) at nagsakripisyo ng kanilang baboy.
Nitong ika-3 ng Disyembre, namahagi ang DA-4A ng bayad-pinsala na aabot sa P14,565,000 para sa 478 magbababoy mula sa mga bayan ng Pitogo, Catanauan, San Andres, at Buenavista sa probinsya ng Quezon.
Ito ay bahagi ng programang Bantay ASF sa Barangay (BABay ASF) ng DA kung saan binibigyan ang mga magbababoy ng tig-lilimang libong piso (P5,000) bawat naisakripisyong baboy noong nagsagawa ng depopulation ang DA-4A sa kanilang lugar upang pigilang kumalat ang ASF.
Nasimulan nang ipamahagi noong 2019 hanggang 2020 ang P226,931,000 halaga ng bayad-pinsala para sa 6,871 magbababoy sa rehiyon. Itinuloy ang pamamahagi nito noong nakaraang buwan matapos mai-release ang pondo mula sa Department of Budget and Management at inaasahang mabibigyan ang natitirang 939 na magbababoy na nagsakripisyo ng kanilang alaga bago matapos ang taon.
#### (๐ธMa. Betina Andrea P. Perez)