« of 17 »

 

Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan, noong ika-18 ng Nobyembre ng P53,025,327 halaga ng interbensyon sa mga magsasaka mula sa lungsod ng Tanauan at ika-apat na distrito ng Batangas na naapektuhan ang kabuhayan ng pagputok ng bulkang Taal.

Bahagi ng P813,813,300 pondo mula sa Taal Rehabilitation and Recovery Plan (RRP) ang halaga ng naturang interbensyong ipinamahagi. Ang P379,901,500 halaga ng tulong mula sa pondo ay agad na naipamigay pagkatapos ng pagputok ng bulkan noong nakaraang taon sa mga magsasaka sa Cavite, Laguna, at Batangas. Naipamahagi na rin ngayong buwan ang P450,756,561 halaga ng interbensyon sa mga magsasaka sa parehong mga probinsya.

“Ang mga interbensyong ito ay ang aming paraan upang iparamdam ang pagmamahal namin sa inyo na mga magsasaka, mangingisda, at maghahayupan, higit lalo sa panahon ng krisis gaya nitong pagputok ng bulkan. Ang hiling lang namin ay inyong pagyamanin ang mga ito. Tumbasan po ninyo ng mataas na produksyon ang mga ibinigay namin para sa gano’n ay magkaroon ng kasapatan ng pagkain hindi lang sa ating rehiyon, kundi maging sa Metro Manila,” ani DA-4A Regional Director Dimaculangan.

Ang ilan sa mga ipinamahaging interbensyon ay ang botanical concoction, coffee dryer, multi-cultivator, four-wheeled drive tractor, garden tools, grass cutter, greenhouse, hermetic bag for coffee, knapsack sprayer, mesh net, nursery, power sprayer, pruning saw and shear, shredder machine, UV plastic, water plastic drum, wood vinegar, plastic mulch, seedling tray, corn sheller, at solar-powered irrigation system.

“Naging mahirap para sa amin ang pagputok ng bulkan. Milyun-milyon ang nalugi sa amin dahil totally natakluban ng abo ang aming sakahan, sunog ang mga dahon, at bagsak ang sanga. Pero maraming salamat sa DA dahil alam nilang napakahirap ng pagsisimula kaya pinagkalooban nila kami ng interventions. Menos ito sa aming pamumuhunan at mapapadali ang aming pagbangon,” ani Alvin Contreras, pangulo ng Santol Farmers’ Association.

Dinaluhan din ang naturang aktibidad nina Batangas 3rd District Congresswoman Ma. Theresa Collantes, 4th District Congresswoman Lianda Bolilia, DA-4A OIC-Regional Technical Director (RTD) for Operations Engr. Abelardo R. Bragas, OIC-RTD for Research and Regulations Engr. Marcos C. Aves, Sr., Field Operations Division Chief Engr. Redelliza A. Gruezo, at ng iba pang mga opisyal at empleyado ng DA-4A.
#### (✍Reina Beatriz P. Peralta/📸Ma. Betina Andrea P. Perez & Bogs de Chavez, DA-4A RAFIS)