Nakatanggap ng tulong-pinansyal mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-13 ng Disyembre ang 609 na maliliit na magpapalay at magbababoy na nagsakripisyo ng kanilang alaga kaugnay ng pagkontrol sa paglaganap ng African Swine Fever (ASF) mula sa mga lungsod ng Tayabas at Lucena at mga bayan ng Sampaloc, Pagbilao, Lucban, at Mauban.
Ang mga magpapalay na may sakahang hindi lalagpas sa isang ektarya ang laki ay nakatanggap ng tig-lilimang libong piso (P5,000) sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA).
Ang RCEF-RFFA ay alinsunod sa Republic Act No. 11203 o ang “Rice Tariffication Law (RTL)” na kung saan ang taripang kinukuha mula sa inaangkat na bigas ay inilalaan sa mga tulong na ipinagkakaloob ng DA sa mga magpapalay katulad na lamang ng nasabing tulong-pinansyal.
“Napakalaking tulong ng financial assistance. Hindi na namin gaanong aalalahanin ang pambili ng [farm] inputs. Masasabi ko na talagang kaagapay namin sila [DA] sa bukid,” ani Cynthia A. Millar, Assistant Secretary ng Brgy. Potol Farmers’ Association ng Tayabas.
Ang mga magbababoy naman ay nakatanggap ng P5,000 kada baboy na kanilang isinakripisyo noong nagsagawa ng depopulation ang DA-4A upang makontrol ang pagkalat ng ASF.
Ang pamamahagi ng tulong-pinansyal sa mga magbababoy na sinimulan noong 2019 at 2020 ay bahagi ng Bantay ASF sa Barangay (BABay ASF) Program ng Kagawaran.
“Very thankful kami sa DA dahil sa ibinigay nilang financial assistance. Opportunity ito para sa amin dahil may pandadagdag-puhunan na kami sa aming piggery. Despite of crisis na nangyari ay nand’yan pa rin ang DA para sumuporta sa amin,” ani Jeremias D. Oblefias, magbababoy mula Lucban.
“Napakaganda ng mga batas at proyektong isinasagawa ng ating pamahalaan para sa ating mga magsasaka at naghahayupan. Sana pagyamanin ninyo ang mga ito para makamit ninyo ang iisa nating hangad na kayo’y umunlad,” ani DA-4A OIC-Regional Technical Director for Research and Regulations Engr. Marcos C. Aves, Sr.
#### (✍📸Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)