Tatlong farmers’ cooperatives and associations (FCAs) ang nakatanggap noong ika-3 ng Pebrero ng tig-iisang wing van na nagkakahalaga ng P2-M mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa ilalim ng programang Enhanced KADIWA (E-KADIWA).
Ang mga nakatanggap ng truck ay ang Atimoya Farmers’ Association, General Trias Dairy Raisers’ Multi-Purpose Cooperative, at San Luis Farmers’ Association.
Layunin ng E-KADIWA Program na tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda na mapataas ang kanilang kita sa pamamagitan ng direktang pagdadala ng kanilang mga produkto sa pamilihan kung saan may siguradong mamimili at tugunan din ang pangangailangan ng mga mamimili na makakuha ng pagkaing abot-kaya ang presyo.
“Ang CALABARZON ang pangunahing source ng mga pagkain sa Metro Manila. Dahil d’yan ang ganitong programa ay napakahalaga. Pinapalakas nito ang ating kabakas sa sakahan. Nagpapasalamat kami sa tatlong organizations na nandito. Sana patuloy tayong magkaroon ng maganda at matatag na ugnayan,” ani DA Assistant Secretary for Operations at DA-4A Regional Executive Director Arnel V. de Mesa.
Sa pamamagitan ng mga naipamahaging truck, magiging mas madali para sa mga FCAs na iangkat ang mga produkto ng mga magsasaka sa kanilang lugar. Malaking kabawasan din ito sa gastusin ng mga magsasaka dahil hindi na nila aalalahanin ang gastusin sa pagbababa ng mga produkto sa merkado dahil libre nilang magagamit ang mga ipinamahaging truck.
“Kami po’y nagpapasalamat sa Kagawaran ng Pagsasaka dahil nakikita namin na tinutulungan talaga nila kaming mga magsasaka. Makakaasa po kayo na iingatan at papaunlarin namin ang ibinibigay nila,” ani Anghel Perez, pangulo ng Atimoya Farmers’ Association.