DA-4A, nanumpa ng katapatan, patuloy na laban sa korapsyon

Pinangunahan ni Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan ang pagpapahayag ng mga opisyal at empleyado ng Kagawaran ng kanilang Panunumpa ng Katapatan noong ika-2 ng Nobyembre.

Kanilang ipinangako na hindi sila gagawa ng anumang uri ng korapsyon, at kanilang isisiwalat at isusuplong sa kinauukulan ang anumang katiwaliang kanilang nasaksihan o natuklasan.

Ang panunumpa ay bahagi ng pakikiisa sa layunin ng paglulunsad ng kauna-unahang Corruption Summit na magaganap mula ika-3 hanggang ika-5 ng buwan.

Tampok dito ang pagpapakilala sa magiging bahagi ng DA Anti-Corruption Committee at ang pagbibigay ng oryentasyon sa mga empleyado ng Kagawaran sa epekto ng korapsyon sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mga magsasaka at mangingisda.

β€œTayo po sa Kagawaran ay naghahangad ng isang malinis na gobyerno. Kaya nga po kaisa tayo sa layunin na masigurong hindi natin ipagsasawalang-bahala ang katiwalian. Tulung-tulong po tayo na panatilihing malinis ang ating opisina para sa kapakanan ng ating mga magsasaka at mangingisda,” ani Direktor Dimaculangan. #### (✍ Reina Beatriz P. Peralta/πŸ“Έ Ma. Betina Andrea P. Perez, DA-4A, RAFIS)