Tinipon ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) Planning, Monitoring, and Evaluation Division (PMED) ang mga miyembro ng Regional Management Committee-CALABARZON at ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA)-Batangas sa pagsasagawa ng Province-led Agriculture and Fisheries Extension System (PAFES)-Collaborative Provincial Agri-Fishery Extension Program (CPAFEP) Workshop noong Disyembre 2, 2021, sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station Training Hall, Lipa City, Batangas.
Layunin ng PAFES-CPAFEP workshop na maihanda ang probinsya ng Batangas sa pagsasagawa ng pang-agrikulturang programa alinsunod sa Mandanas-Garcia Supreme Court ruling na naglalayong bigyan ng kakayahan ang lokal na pamahalaan na bumuo at magpatupad ng mga proyekto.
Ayon kay PMED Chief Ms. Maria Ella Cecilia B. Obligado, isinagawa ang workshop upang mabigyan ng gabay at mapaunlad ang pang-agrikulturang panukala na nais ipatupad ng lalawigan.
Bahagi ng nasabing workshop ang presentation of Rapid Appraisal na ibinahagi ni Batangas State University Testing and Admission Office Head Bb. Abegail Gonzales at Research Pablo Borbon Head G. Gemar G. Perez.
Samantala, pinangunahan ni Batangas Assistant Provincial Agriculturist Gng. Luz M. Labit ang pagbabahagi ng kanilang plano hinggil sa implementasyon ng PAFES sa kanilang lalawigan. Ipinagbigay alam din ng OPA-Batangas ang iba’t ibang programa para sa produkto at sektor ng kamatis, saging, kape, cacao, niyog, mangga, at pangisdaan.
Ibinahagi ni OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan na buo ang suporta ng Kagawaran at mga sangay nito sa tagumpay ng PAFES.
“Ako po ay nagpapasalamat sa tiwala ninyo sa DA. Asahan po ninyo na patuloy po kaming makikipagtulungan sa layuning ito, “ani OIC-RED Dimaculangan.
Bilang suporta sa pinaghahandaang implementasyon ng PAFES, dumalo ang mga kinatawan ng CALABARZON DA attached agencies mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Agricultural Training Institute, Philippine Coconut Authority, Philippine Rice Research Institute, Sugar Regulatory Administration, National Dairy Authority South Luzon Department, at iba pang kawani ng DA-4A.
Ang PAFES ay isa sa labing-walong estratehiya na isinusulong ng Kagawaran ng Pagsasaka upang mapagtibay at mapaunlad ang sektor ng agrikultura sa bansa.
#### (📸Jayvee Amir P. Ergino, DA-4A RAFIS)