Pinangunahan ni Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan ang opisyal na pagsisimula ng National Rice Awareness Month (NRAM) na may temang “Be RICEponsibly Healthy” sa pamamagitan ng pagsambit ng “Panatang Makapalay” noong ika-2 ng Nobyembre.
Buong buwan ng Nobyembre ay magdaraos ang Kagawaran, katuwang ang Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON at iba pang attached agency, ng iba’t ibang aktibidad na nagsusulong ng wastong pagkonsumo sa bigas gaya ng pagsasaing ng sapat, pag-ubos ng nakahaing kanin, at pagkain ng brown rice.
Maglalabas din ang DA-4A sa Facebook page nito ng mga impormasyong magbibigay ng kamalayan at dagdag na kaalaman tungkol sa tamang pagkonsumo ng kanin at mahahalagang benepisyo nito sa ating kalusugan.
“Ang bigas po ang pangunahing pagkaing kinokonsumo sa bansa at para bang hindi kompleto ang kainan ‘pag wala nito. Batid din po natin ang sakripisyo ng ating mga magpapalay para makapag-produce ng bigas na tutugon sa pangangailangan ng buong bansa. Kaya naman po nakikiisa ang Kagawaran sa pagdiriwang ng National Rice Awareness Month upang mapalawig ang pagbibigay ng kaalaman tungkol sa pagpapahalaga sa bawat butil ng bigas na ating kinakain,” ani OIC-Director Dimaculangan.
Dinaluhan ng lahat ng mga opisyal at mga empleyado ng DA-4A ang pagbubukas ng NRAM kasabay ng flag raising ceremony.
#### ( Reina Beatriz P. Peralta/ 📸Ma. Betina Andrea P. Perez, DA-4A RAFIS)