“Sa mga nagdaang taon, ang supplier ng seeds na ipinamimigay sa CALABARZON farmers ay nagmumula sa ibang rehiyon kagaya ng Isabela. Hangad namin na sa susunod na mga cropping season, ang mga seed grower ng CALABARZON ay mapalakas at sila na’ng magsu-supply ng kabuuang pangangailangan ng ating rehiyon. Palalakasin natin ang samahan ng mga magbibinhi ng CALABARZON upang mas maging self-sufficient tayo pagdating sa seed production.”
Ito ang pahayag ni Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Field Operations Division (FOD) OIC-Chief Engr. Redelliza A. Gruezo sa idinaos na pulong ng DA-4A Rice Program noong ika-24 ng Nobyembre tungkol sa pagpaplano ng ipamamahaging certified seeds sa susunod na taon.
Ayon kay Gng. Maria Annie S. Bucu, Agricultural Program Coordinating Officer ng Laguna at Regional Seed Coordinator, layunin ng pulong na makausap ang limampung (50) seed growers sa rehiyon upang makabuo ng hakbang kung paano makakapagbigay ng mas mataas na dami at mas magandang kalidad ng binhi sa mga magpapalay. Ito ay upang hindi na kinakailangang kumuha pa sa ibang rehiyon ng mga ipinamamahaging binhi.
Pinag-usapan sa pulong ang naestimang palay na aanihin sa susunod na taon mula sa mga ipinamahaging binhi mula sa mga seed grower na dumalo, planting at seed production schedule, at mga isasagawang pagsasanay sa mga bagong seed grower.
Ang mga napag-usapan sa pulong ay ipepresenta sa DA National Rice Program para makonsidera sa pambansang 2022 certified seed distribution targets.
#### (️Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS; 📸 Ma. Annie Bucu, DA-4A Regional Seed Coordinator)