DA-4A patuloy ang pagsubabay sa presyo ng mga pangunahing produktong agrikultural, presyo ng bigas bahagyang bumaba
Upang masigurong nasa tamang presyo ang mga bilihin, patuloy ang pagsubaybay ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) at ng Regional Bantay Presyo Monitoring Team (RBPMT) sa presyo ng mga pangunahing produktong agrikultural sa ilang piling pamilihan sa rehiyon. Ito ang iprinesenta sa natapos na pagpupulong noong ika-8 ng Nobyembre sa Lipa City, Batangas.
Dumalo at nagprisenta ang mga representante mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA), Fertilizer and Pesticide Authority (FPA), Philippine Statistics Authority (PSA) at iba pang kawani ng DA-4A mula sa iba’t-ibang banner programs. Nagpakita din ng suporta ang mga kinatawan mula sa National Meat Inspection Service (NMIS); at Local Government Units (LGUs) ng Tanza, Cavite, Batangas City at Lipa City, Batangas, Antipolo City, Rizal, at Tiaong, Quezon;
Samantala, namataan sa naturang presentasyon ang bahagyang pagbaba sa presyo ng lokal na bigas mula Enero hanggang Oktubre. Bumaba ng halos tig-pitong piso ang ang Local Premium Rice at Well- Milled Rice samantalang walong piso naman sa Regular Milled rice. Nanatili at walang pagbabago naman ang presyo ng Special Local Rice.
Pagdating naman sa mga imported commercial rice, pabago-bago ang presyo ng premium rice, well- milled rice at regular milled rice ngunit bumaba ito ngayon buwan ng Oktubre. Hindi naman umibo ang presyo ng Special Imported Rice.
Inaasahan pa rin ang bahagyang pagbaba ng presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Executive Order No. 62 o ang pagpapababa ng taripa ng bigas mula sa 35% hanggang 15%. Hiling naman ni Regional Agriculture and Fishery Council (RAFC) Chairperson Flordeliza Maleon na magkaroon ng mga representante ang mga pamilihang sinusubaybay upang marinig naman ang kanilang opinyon o suhestiyon ukol sa mga presyo.
###### (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)