Higit 150 kalahok mula sa mga Agriculture and Fisheries Councils (AFC) sa Luzon ang nagtipon para sa ginanap na AFC Luzon Congress noong 5-7 Septyembre 2022 sa General Trias, Cavite. Ito ay naging posible dahil sa pagtutulungan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) at ng Philippine Council for Agriculture and Fishereis (PCAF).

Ang naturang aktibidad na may temang, “Agricultural and Fishery Councils: Strengthening Adaptability, Food Security, and Economic Stability,” ay naglalayong matalakay ang mga napapanahong suliranin at ang mga nararapat na polisiya, programa at direktiba para sa sektor ng agrikultura.

Ang mga kalahok ay binubuo ng regional at provincial AFC chairpersons, regional AFC executive officers, coordinators at regional sectoral committee chairpersons mula sa rehiyon Cordillera, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Bicol. Sila ay nagsama-sama sa pagbalangkas ng mga resolusyon sa patuloy na pagpapaunlad ng industriya ng agrikultura bilang mga katuwang sa pribadong sektor ng gobyerno.

Tumuon ang diskusyon sa pagpapalakas ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP), Digital Marketing of Agricultural Commodities at Rebuilding Strategies for Swine Fever.

“Isa sa tagubilin ng ating Presidente at Kalihim, Fedinand Marcos Jr., ay palakasin ang mga local producer at bilang suporta ay sana ang ating mga magiging resolutions sa congress na ito ay makakatulong na matugunan ang layuning ito,” ani OIC-Regional Technical Director for Research and Regulations Fidel Libao.

“Makakaasa kayo na patuloy ang aming pakikipag-ugnayan sa inyo bilang aming katuwang sa pagpapatupad ng ating mga programa sa pagpapalakas ng agrikultura,” dagdag pa nya.

Nagpasalamat naman si PCAF OIC-Executive Director Julieta Opulencia sa pagtatapos ng programa at siniguro ang patuloy na suporta sa mga AFCs.

Nakilahok din sa congress sina DA-4A OIC-RTD for Operations and Extension Engr. Marcos Aves Sr., at mga division chiefs ng Administrative and Finance, Field Operations, Research, Regulatory, at Integrated Laboratory, Felix Ramos, Engr. Redelliza Gruezo, Eda Dimapilis, Dr. Linda Lucela, at Eleanor de Jesus, ayon sa pagkakabanggit. #### (Chieverly Caguitla)