DA-4A, Pinagtibay ang ugnayan sa mga OTP Management Teams para sa mas pinalakas na Organikong Kalakalan

 

 

Limang aktibong Organic Trading Post (OTP) Management Team ang pinulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division sa Lipa City, Batangas para mas palakasin ang organikong kalakalan sa rehiyon.

Ang OTP Management Team ang nagsisilbing tagapamahala sa operasyon ng mga naipatayong imprastraktura  para sa kalakalan ng mga produktong agrikultural.

Upang mas pagtibayin ang ugnayan at koordinasyon sa ahensya, ibinahagi ng mga kalahok mula sa Alfonso, Cavite; Lumban, Laguna; Malvar, Batangas; Tanay, Rizal; at Lucban, Quezon ang mga kasanayan at aktibidad na kanilang isinasagawa sa kanilang mga operasyon tulad ng demo farms, produksiyon at pamamahagi ng organic inputs at seeds, at pagbibigay ng insentibo para sa organikong pagsasaka.

Tinalakay rin ang mga mungkahing solusyon sa mga pangangailangan sa pagma-market, suplay, pondo, at pagbebenta, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa mga institusyonal na mamimili, kasunduan sa demo farms, at paggamit ng tulong pinansyal.

Hinikayat naman ni Regional Organic Program Coordinator at Field Operations Division Chief G. Joselito Felix H. Noceda ang bawat OTP Management Team na patuloy na suportahan ang natural at organikong pagsasaka sa abot ng kanilang makakaya.

 

(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)