Ito ang paliwanag ni Gng. Maria Ana S. Balmes, focal person ng saging, kape, at kakaw ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa mga high value crop farmer tungkol sa isinagawang business enterprise assessment noong ika-22 hanggang 23 ng Setyembre.
Kinapanayam ng DA-4A ang mga magsasaka ng gulay at prutas mula sa Tayuman Upland Farmers’ Association (FA), San Francisco Banana Producers’ Association SIPAG Guinayangan, at CASACA FA ng bayan San Francisco at Guinayangan sa probinsya ng Quezon tungkol sa kakayahan ng mga namumuno at miyembro, dami ng produktong naaani, at mga kagamitan at makinarya sa sakahan. Ito ay upang malaman ang kanilang estado at matukoy ang iba pang mga pangangailangan ng mga asosasyon na kayang tugunan ng Kagawaran.
“Masaya po kami dahil sa pamamagitan ng ganitong gawain ay napapakinggan ng DA ang mga pangangailangan ng namin na mga magsasaka na kahit nasa malayong lugar,” ani Emarni R. Calatacal, project manager ng Tayuman Upland FA.
Ang naturang gawain ay bahagi ng Bayanihan Agriculture Cluster (BAC) program na isa sa labing-walong (18) pangunahing estratehiya ng Kagawaran para sa maunlad na agrikultura.
Sa BAC, ang mga magsasakang may magkakalapit na lupang sinasaka sa loob ng limampung (50) ektarya ay pagsasamahin sa isang cluster. Lahat ng miyembro ay makikinabang sa mga interbensyong ipinamamahagi ng DA-4A sa bawat cluster. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)