Isinagawa ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang “Market Matching for Yellow Corn” sa Catanauan, Quezon, noong ika-27 ng Abril.
Ito ay dinaluhan ng Luntian Multi-Purpose Cooperative (MPC) at 17 farmer-leaders at kinatawan ng mga magsasaka ng mais mula sa mga bayan ng Gumaca, Guinayangan, Buenavista, Unisan, Agdangan, Gen. Luna, San Francisco, Tagkawayan, at Catanauan, Quezon.
“Isa po ang market matching sa mga tungkulin ng aming tanggapan na naglalayong bigyan ang suppliers at buyers ng pagkakataon na magkaharap, bumuo ng long-term business relationship, at magkasundo sa isang negosyo,” ani DA-4A AMAD Chief Gng. Editha M. Salvosa.
Sa pangangasiwa ng DA-4A AMAD Market Development Section, naipresenta ang DA-4A Corn Program Interventions and Allocations; Quezon Yellow Corn Industry & Interventions; Luntian MPC Business Requirements; at Market Matching Dialogue sa mga nakilahok.
“Salamat po sa DA at sa lahat ng nagbigay ng oras para sa amin. Napakahalaga ng market matching sapagkat nagkaharap-harap kami at may siguradong mapagbebentahan ng aming mga pinagsama-samang mais sa magandang presyo,” ani Catanauan Corn Farmers’ Association President G. Gevanie Magpantay.
“Nagpapasalamat kami sa pagdaraos ng aktibidad na ito. Nagkaroon tayo ng pagkakataon na maipaalam sa corn farmers ng Quezon na posible ang direct buying. Inaasahan natin na sa pamamagitan nito ay lumakas ang corn production capability ng probinsya at marami pang mga magsasaka ang makinabang,” ani Luntian MPC General Manager Jose Parlade, Jr.
Sa pagtatapos ng aktibidad, nagkasundo ang grupo ng mga magmamais ng Guinayangan at pamunuan ng Luntian MPC sa pagproseso ng kanilang Memorandum of Agreement at pagbebenta ng nasa 60 metriko toneladang mais sa darating na Mayo.
Inaasahan din na makikipagtulungan ang iba pang mga magmamais sa probinsya upang makapag-supply sa Luntian MPC.
Dumalo rin sa aktibidad si Quezon Agricultural Program and Coordinating Officer G. Rolando P. Cuasay, Quezon Provincial Corn Program Coordinator Bb. Jenny Bascoguin, Catanauan Municipal Agriculturist Bb. Liwayway Pizarra, Luntian MPC Chairman G. Dennis Tumbaga, at iba pang kawani ng DA-4A.
#### (: Jayvee Amir P. Ergino)