Pinasinayaan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON ang 143 metro kwadradong Coconut Sap Processing Center sa Brgy. Bambam, Tagkawayan, Quezon noong ika-7 ng Disyembre.
Ang pasilidad na ito na nagkakahalaga ng tatlong milyong piso na pinondohan ng DA-Bureau of Agricultural Research ay papakinabangan ng mga magsasakang malapit sa lugar.
Gagamitin ang pasilidad sa pagpoproseso ng mga produktong mula sa niyog gaya ng asukal, lambanog, at suka.
“Pormal na pong ibinabahagi ng DA-4A itong coco sap processing center sa bayan ng Tagkawayan. Umaasa kami na sa pamamagitan nito ay lalong mapataas ang kita ninyong magniniyog dahil sa maibibigay nitong value adding sa inyong produkto. Inyo itong ingatan upang mas matagal ninyo itong mapakinabangan,” ani ni Regional Technical Director for Research and Regulations and Intregrated Laboratory Division Engr. Marcos C. Aves, Sr.
Ayon kay G. Joell Lales, assistant director ng DA-BAR, ang proyektong ito ay natataon at nararapat sa bayan ng Tagkawayan dahil isa sila sa mga malalaking prodyuser ng niyog. Ang proyektong ito ay hindi lang para tumaas ang produksyon ng niyog kundi para lumakas din ang kapasidad ng mga magniniyog.
“Napakalaking biyaya ng processing center na ito sa amin at sa bayan ng Tagkawayan. Ito ay pangarap lang namin dati na ngayon ay dumating na. Kaya ako’y nagpapasalamat sa DA-4A dahil sa kanilang suporta sa mga magsasaka ng niyog,” ani ni Domingo T. Caranza, pangulo ng Tagkawayan Vendors’ Multi-Purpose Cooperative.
Sinaksihan din nina Tagkawayan Mayor, Hon. Luis Oscar T. Eleazar, Research Division OIC-Chief Eda F. Dimapilis, Regional Agricultural Engineering Division OIC-Chief Engr. Romelo F. Reyes, at Tagkawayan Municipal Agriculturist Juanito S. Panganiban ang isinagawang pagpapasinaya.
#### (โ๐ธMa. Betina Andrea P. Perez)